Personal na binisita ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ang pamilya ng isang seafarer mula sa Antique na nasawi sa drone attack sa Black Sea.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Iloilo kay Secretary Cacdac, sinabi niya na personal niyang binisita ang asawa at mga menor de edad na anak ng seafarer, kasama ang ilang personnel ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), upang ipaabot ang pakikiramay at magbigay ng paunang tulong pinansyal.
Ayon pa kay Secretary Cacdac, mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-utos na bisitahin ang pamilya ng nasawing seafarer at nangakong magpapatuloy ang suporta ng pamahalaan.
Inaasahang maiuuwi sa Pilipinas ang labi ng seafarer sa susunod na linggo, at sasalubungin ito ng kanyang pamilya.

Bukod sa tulong pinansyal, funeral, burial, at transport assistance, magbibigay rin ang pamahalaan ng psychosocial support sa pamilya.
Dagdag pa ni Secretary Cacdac, tiniyak din ni Pangulong Marcos na mabibigyan ng kinakailangang suporta ang mga anak ng seafarer para sa kanilang pag-aaral.
📷 DMW