Naghain ng reklamong kriminal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa Sunwest Incorporated at mga opisyal nito dahil sa umano’y 22.71-bilyong pisong tax evasion.
Kabilang sa mga inireklamo sina Sunwest Incorporated President Aderma Angelie Descarga Alcazar at Treasurer Cesar Zacarias Buenaventura.
Batay sa imbestigasyon ng BIR, sadyang hindi umano idineklara ng kumpanya ang kabuuang kita nito at gumamit ng mga hindi suportadong purchase, expense, at creditable withholding tax claim sa income tax returns mula 2019 hanggang 2024.
Natukoy din umano ang 6.29-bilyong pisong hindi idineklarang kita matapos ihambing ang tax records ng kumpanya sa datos mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya.
Hindi rin kinilala ng BIR ang 36.63-bilyong pisong purchases, 3.65-bilyong pisong expenses, at 291.12-milyong pisong withholding tax credits dahil sa kakulangan ng dokumento. Isinagawa ang imbestigasyon kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siyasatin ang mga umano’y anomalya sa flood-control projects.