Gumamit ng water cannon at nagsagawa ng mapanganib na maniobra ang China Coast Guard (CCG) laban sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) malapit sa Bajo de Masinloc nitong Biyernes ng umaga.
Nagsasagawa ang mga barko ng Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda Program para maghatid ng ayuda at tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda sa kanilang tradisyunal na pangisdaan.
Tinamaan ng water cannon ang BRP Cape San Agustin, BRP Datu Paduhinog, at BRP Datu Cabaylo. Lumapit din umano nang pitong metro ang isang barko ng CCG sa BRP Datu Paduhinog, habang nakapatay ang Automatic Identification System nito.
Namataan din ang isang Chinese Maritime Militia vessel na humihila ng lubid sa likuran ng BRP Datu Sumakwel, na nagdulot ng panganib sa paglalayag.
Ligtas ang lahat ng tauhan ng PCG at DA-BFAR, habang nanatili sa lugar ang mga barko upang suportahan ang mga Pilipinong mangingisda. Kinondena ng PCG ang mga aksiyon ng CCG at iginiit na bahagi ng teritoryo at exclusive economic zone ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc at mga karatig na katubigan nito.