Sa kabila ng mataas na popularity rating ni VP Sara Duterte, nananatiling matindi ang panawagan ng publiko para sa kaniyang pananagutan sa batas.
Ito ang binigyang-diin ni Trial Spokesperson at Impeachment Adviser Robert Ace Barbers kaugnay ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), kung saan 70 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat sagutin ng Bise Presidente ang mga akusasyon laban sa kaniya sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay Barbers, na dating pinuno ng House Quad Committee at Committee on Dangerous Drugs, pinatutunayan ng resulta na marunong maghiwalay ang publiko sa pagitan ng popularidad ng isang opisyal at ng usapin ng pananagutan sa bayan.
Binigyang-diin niya na lumabas ang resultang ito kasunod ng hiwalay na SWS survey na isinagawa mula June 20 hanggang June 29, kung saan nakakuha pa rin si Duterte ng “good” net satisfaction rating.
Aniya, deserve ng mga Pilipino na makita ang mga ebidensya at katotohanan. Dahil dito, tiniyak ng trial spokesperson na mananatiling nakatutok ang prosekusyon sa paghaharap ng mga matitibay na ebidensya at sa pagpapalutang ng katotohanan sa loob ng korte.