Nalagpasan na ng Maritime Industry Authority o MARINA ang kanilang mga target sa kalagitnaan ng 2026 matapos magtala ng malaking pag-unlad sa frontline services, kita, digital transformation, at mga repormang pang-regulasyon.
Sa unang anim na buwan ng taon, nakapaglabas ang MARINA ng 601,256 ship certificates at nakapagproseso ng 314,707 sertipiko para sa mga maritime professional. Mahigit 14,000 Pilipinong seafarers din ang nabigyan ng international certification, habang 2,167 stakeholder ang nagtapos sa Modified Basic Safety Training.
Umabot din sa 2,097 ang operating vessels sa bansa, 10.5 porsyentong lampas sa target ng ahensya.
Sa digital services, nakapag-isyu ang MARINA ng 1,278 Special Orders at nakapagproseso ng 1,678 MeCAV transactions. Itinatag din nito ang Office of the Deputy Administrator for Education, Training, and Certification upang higit pang palakasin ang maritime education at certification.
Nakapaglikom din ang ahensya ng ₱705.68 milyon, katumbas ng 82 porsyento ng taunang revenue target, at napanatili ang 97 porsyentong client satisfaction rating mula sa mahigit 253,000 kliyente. Ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan, ang paglagpas sa mga target ay hindi ang katapusan kundi inspirasyon upang lalo pang pagbutihin ang serbisyo para sa mga Pilipinong umaasa sa maritime sector.
