Tinatayang aabot sa halos isang daang armchairs na gawa mula sa recycled na polymer banknotes na hindi na maaaring gamitin sa sirkulasyon ang ipinagkaloob ng BSP Employees Association, Inc. o BSPEAI sa Doña Pilar L. Marfori Elementary School sa Davao City.
Pinangunahan nina BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan, BSPEAI President Brent Lucero, at iba pang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang nasabing turnover ceremony.
Bahagi ito ng Banknote-to-Armchair Project, kung saan ginagawang matitibay na armchairs ang mga unfit polymer banknotes at iba pang manufacturing byproducts sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa isang recycling company.
Ayon sa BSP, nakapaloob na sa disenyo ng polymer banknotes ang tamang pamamahala sa mga ito hanggang sa dulo ng kanilang lifecycle. Layunin din ng proyekto na maiwasang maging basura ang mga lumang polymer banknotes habang nakatutulong sa mga paaralang nangangailangan ng kagamitan.
Ipinakita rin ng datos ng BSP na mula 2022 hanggang Mayo 2026, 0.02% lamang ng mga inilabas na 1,000-pisong polymer banknotes ang naibalik bilang sira o luma, kumpara sa 54.75% ng paper banknotes sa parehong denomination.
Ayon sa BSP, patunay ang proyekto na maaaring pagsamahin ang inobasyon, pangangalaga sa kalikasan, at serbisyong panlipunan upang makapaghatid ng konkretong benepisyo sa mga komunidad.
