Mas lalo pang pinagtitibay ng Pilipinas at European Union ang kanilang ugnayan matapos muling bumisita sa Maynila si European Union High Representative for Foreign Affairs at European Commission Vice-President Kaja Kallas.
Nakipagpulong si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro kay Kallas bago ang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation o TAC sa Southeast Asia. Dito ay tinalakay ng dalawang opisyal ang Joint Statement on the Enhanced Partnership, na magsisilbing bagong balangkas para palawakin ang kooperasyon ng Pilipinas at EU sa iba’t ibang larangan.
Nagpalitan din ang mga ito ng pananaw tungkol sa mga usaping panrehiyon at pandaigdig, kabilang ang paghahanda para sa ASEAN-EU Commemorative Summit sa 2027, ang digmaan sa Ukraine, patuloy na suporta ng EU sa 2016 Arbitral Award ng Pilipinas, at iba pang isyung may kinalaman sa kapayapaan at seguridad.
Dumalo rin si Kallas sa paggunita ng ika-50 anibersaryo ng TAC, kung saan kabilang ang European Union bilang High Contracting Party mula pa noong 2012, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalalim ng ugnayan nito sa ASEAN at sa Pilipinas.