Tinututukan na ng Department of Agriculture ang pagbibigay ng karampatang tulong sa mga magsasaka ng tubo at mag-aasukal na apektado ng red-striped soft scale insect infestation sa Negros Occidental.
Ayon mismo kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. maglalaan ang DA ng 35 million pesos na halaga ng insecticide at drone sprayers upang tulungan ang mga magsasaka ng tubo at mag-aasukal na labanan ang kinahaharap nilang peste.
Mahigpit umano ang bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga magsasaka upang maiwasang bumaba ang produksiyon ng asukal ng bansa lalo’t ang Negros Occidental ang top sugar producer ng bansa at nalalapit na rin ang panahon ng anihan ng tubo o sugarcane.
Dagdag pa ng kalihim na nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa karagdagang tulong para sa mga magsasakang na-peste ang mga pananim.
Kakambal nito ang inilaan na 200 million pesos na pondo ng DSWD para sa Emergency Cash Transfer Assistance para sa mga magsasaka ng tubo na apektado ng sugarcane infestation sa Visayas.