Binigyang-diin ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa P. Lazaro na ang kapayapaan ang pangunahing susi sa pag-unlad ng ekonomiya, inobasyon, at matatag na ugnayan ng mga bansa sa pagbubukas ng High-Level Conference of the High Contracting Parties to the Treaty of Amity and Cooperation o TAC sa Maynila.
Sa kanyang keynote speech, sinabi ni Lazaro na ang limang dekadang kapayapaan sa Timog-Silangang Asya ang nagbigay-daan upang maging sentro ng paglago ng ekonomiya at kooperasyon ang rehiyon. Aniya, hindi nagkakaroon ng kaunlaran kung walang matatag na kapayapaan.
Ibinahagi rin ng kalihim ang konseptong Pilipino na “kapwa,” na aniya’y sumasalamin sa pagkilala na magkakaugnay ang seguridad, dignidad, at kapakanan ng bawat bansa. Iginiit niyang hindi “zero-sum game” ang kapayapaan at walang bansang maaaring umunlad nang nag-iisa sa harap ng mga pandaigdigang hamon.
Kasabay nito, nagbabala si Lazaro na nananatiling marupok ang kapayapaan sa gitna ng tumitinding geopolitical tensions at kawalan ng katiyakan sa buong mundo. Dahil dito, nanawagan siya para sa patuloy na dayalogo, pagpipigil sa sigalot, at mahigpit na pagtalima sa rule of law.
Ayon sa kalihim, nananatiling mahalagang plataporma ang ASEAN at ang Treaty of Amity and Cooperation upang isulong ang mapayapang pagresolba sa mga hindi pagkakaunawaan, pagpapalalim ng pagtutulungan, at pagpili sa kapayapaan bilang gabay sa ugnayan ng mga bansa.