Hinatulan ng Regional Trial Court ng Maynila ang apat na indibidwal sa dalawang magkahiwalay na kasong may kaugnayan sa smuggling, ayon sa Bureau of Customs (BOC), bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na kalakalan sa bansa.
Sa unang kaso, nahatulan ang isang indibidwal na gumamit ng isang kumpanya bilang consignee sa iligal na pag-aangkat ng dalawang container mula China na idineklarang may lamang plastic products. Ngunit sa inspeksyon ng Customs, natuklasan ang mahigit 1,500 kahon ng sigarilyong walang kaukulang import clearances.
Sa ikalawang kaso naman, nahatulan ang tatlong opisyal ng isang kumpanya matapos madiskubre ang hindi idineklarang luxury vehicle at 98 used tires mula sa shipment na galing Dubai. Napatunayan ding wala silang awtorisasyon na mag-import ng mga sasakyan.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, malinaw na may pananagutan ang sinumang lalabag sa batas sa customs. Nagpasalamat din siya sa Legal Service ng BOC at Department of Justice (DOJ) sa matagumpay na pag-usig sa mga kaso.
Iginiit ng ahensya na ipagpapatuloy nito ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa smuggling, alinsunod sa direktiba ng administrasyong Marcos na protektahan ang ekonomiya at lehitimong kalakalan sa bansa.