Pormal nang tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes ang dalawang unit ng Patient Transport Vehicles o PTV mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ginanap ang seremonyal na turnover sa City of San Fernando, Pampanga, kung saan personal na nagtungo si Gobernador Ronald “Jun” Aguto, Jr., kasama sina SP Member Leonardo Hostallero at Provincial General Services Officer Eduardo Delfin para tanggapin ang mga susi ng sasakyan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, malaki ang maitutulong ng mga bagong sasakyan upang palakasin ang emergency medical transport services sa isla, pabilisin ang pagtugon sa mga nangangailangang pasyente, at ihatid ang mas dekalidad at accessible na pangangalagang pangkalusugan para sa mga Ivatan.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang pamunuan ng Batanes kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa PCSO sa patuloy na suporta sa lalawigan ng Batanes. | ulat ni Bea Gaza-De Guzman | RP Batanes