Photo courtsey of Coast Guard District Southeastern Mindanao
Nirespondehan ng Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM) ang pagpapalikas ng mahigit 300 residente ng Barangay Talomo Proper, Davao City dahil sa matinding pagbaha nitong Biyernes ng gabi, July 24, 2026.
Sa report ng CGDSEM, isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan sa mga opisyal ng barangay, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at iba pang katuwang na ahensya.
Kabilang sa mga yunit na rumesponde ang Coast Guard Station Davao Deployable Response Group (DRG), Coast Guard Sub-Station (CGSS) Matina Aplaya, at Special Operations Unit Southeastern Mindanao (SOU-SEM).
Sa kabila ng mapanganib at mahirap na sitwasyon, matagumpay na binaybay ng response team ang mga binahang kalsada gamit ang inflatable rescue boat upang marating ang mga delikadong lugar at matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong pamilya.
Batay sa pinakahuling ulat mula sa Incident Command Post (ICP), pansamantalang sumisilong ngayon ang 72 pamilya, na binubuo ng 301 indibidwal, sa Our Lady of Lourdes Parish Evacuation Center. Nananatili namang nasa heightened alert ang CGDSEM at handang tumugon sa mga emerhensiyang may kinalaman sa kalamidad.