Pormal na pinababawi ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Bureau of Immigration (BI) ang inilabas nitong impormasyon ukol sa umano’y pagtatangka niyang pagtakas sa bansa.
Sa isang demand letter na ipinadala ng Solis Medina Fajardo & Malilong Law Offices kay Immigration Commissioner Joel Anthony M. Viado, hayagang tinutulan ng mga abogado ang pagpapakalat ng mga di-beripikadong ulat laban sa dating Speaker.
Iniharap ng legal team ni Romualdez ang mga pangunahing kahilingan sa BI na pangalanan ang source, tukuyin ang nag-apruba, at bawiin ang pahayag.
Nag-ugat ang kontrobersya sa naging pahayag ni BI Spokesperson Dana Sandoval noong July 21 na nakatanggap ang ahensya ng impormasyon hinggil sa mga hindi natuloy na plano ng pag-alis.
Ang naturang pahayag ay ginamit kalaunan ng Office of the Ombudsman upang pampublikong akusahan si Romualdez ng pagtatangkang pagtakas.
Ayon sa mga abogadong sina Atty. Abdiel Dan E.S. Fajardo at Atty. Felix Michael U. Villa, lumikha ang BI ng maling pananaw sa publiko na tumatakas ang kanilang kliyente sa hurisdiksyon ng Sandiganbayan.
Binigyang-diin din ng legal team na ang usapin hinggil sa travel restrictions ni Romualdez ay kasalukuyang nakabinbin sa korte (sub judice), kaya’t hindi ito dapat gawing paksa ng espekulasyon ng isang law enforcement agency na maaaring makaimpluwensya sa pampublikong opinyon.
Iginiit ng kampo ni Romualdez na kailanman ay hindi nagtangkang umiwas ang dating Speaker sa anumang legal na proseso o utos ng hukuman. Binalaan ng kampo ni Romualdez ang BI na kapag hindi ito gumawa ng kaukulang corrective action, pampublikong pagbawi, at paghingi ng paumanhin, maghahain sila ng mga karampatang kasong legal laban sa mga may pananagutang opisyal.