Ipinaubaya ng House prosecution panel sa Senate Impeachment Court ang pagpapasya kung itutuloy na ang presentasyon ng ebidensya para sa Article I ng Articles of Impeachment, o kung isusunod muna ang rebuttal ng depensa kaugnay ng naunang artikulo ukol sa grave threats.
Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., igagalang ng kanilang panig kung anuman ang magiging desisyon ng impeachment court sa direksyon ng paglilitis.
Sa ilalim ng kasalukuyang mga alituntunin (guidelines), ilalatag muna ng prosekusyon ang lahat ng ebidensya para sa Articles I hanggang IV bago ibigay ang pagkakataon sa depensa na ilatag ang kanilang mga tugon at ebidensya para sa lahat ng artikulo.
Paraan din aniya ito upang pabilisin ang proseso ng paglilitis.
Habang naghihintay ng pinal na utos mula sa Senado, tiniyak ni Tolosa na tuluy-tuloy ang paghahanda ng prosekusyon para sa Article I, na tumutukoy sa kontrobersyal na confidential funds.
Kasabay nito, inihahanda na rin nila ang mga ihaharap na testigo para sa muling pagbubukas ng paglilitis ngayong darating na Miyerkules.