Ito ang ginawang paglilinaw ni Atty. Jocelle Batapa-Sigue ng Batapa-Sigue and Sigue Law Office sa panayam ng Global Na Tayo sa batas ang mga maling akala ng publiko hinggil sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9344, o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, partikular na ang usapin sa pananagutan ng mga menor de edad na nasasangkot sa krimen.
Komprehensibong paliwanag ukol sa iba’t ibang antas ng Minimum Age of Criminal Responsibility (MACR) at sa prosesong kinakaharap ng isang Child in Conflict with the Law (CICL) mula sa paunang pagsisiyasat hanggang sa paglalahad ng kaso sa korte.
Binigyang-diin ni Atty. Batapa-Sigue na lubhang mahalaga ang pagtukoy sa kalikasan ng kaso ng bata upang malaman ang kaukulang hakbang na ipapataw ng batas.
Ayon sa kaniya, may mga pagkakataong ang kaso ay nasa ilalim lamang ng administrative intervention kung saan ang pangunahing layunin ay paggabay, rehabilitasyon, at pagbabago ng pag-uugali ng menor de edad.
Ikinumpara niya ito sa konsepto ng punitive justice na maihahalintulad sa prinsipyong “mata sa mata, ngipin sa ngipin.”
Sa ilalim ng tradisyonal na sistemang ito, ang parusa ay nakatuon sa pagganti sa nagawang pagkakamali sa halip na sa paggaling ng indibidwal.
Ipinaliwanag din ng abogada na bagaman itinakda ng batas na 15 taong gulang ang MACR, hindi ito nangangahulugang awtomatikong ligtas sa pananagutan ang isang bata.
Masusing sinusuri ng mga awtoridad kung ang menor de edad ay kumilos nang may discernment o may sapat na kamalayan at sadyang pagkaunawa sa tama at mali habang ginagawa ang krimen.
Pinaalalahanan din ni Atty. Batapa-Sigue ang publiko na ang mga batang may edad na mababa sa 15 taong gulang ay walang criminal liability o pananagutang kriminal sa ilalim ng batas.
Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na walang kahihinatnan ang kanilang ginawa.
Sa halip na ikulong, ang mga nasabing menor de edad ay inoobliga na sumailalim sa diversion program sa pamamagitan ng restorative justice, layunin ng programang ito na panagutin ang bata sa pamamagitan ng pag-aayos sa pinsalang naidulot sa biktima at komunidad, nang hindi kinakailangang dumaan sa pormal at traumatikong proseso ng kulungan.