Bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mungkahing higpitan ang access ng mga kabataan sa social media.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro, kasunod ng mga naitatalang karahasan na kinasasangkutan ng mga menor de edad bilang mga suspect.
Pinakahuli ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban, at ang pananaksak sa loob ng silid-aralan sa General Trias.
Sabi ni Castro, napag-uusapan na sa pamahalaan ang tungkol sa paghihigpit sa social media access para sa mga kabataan.
“Actually, napag-usapan po iyan, nai-report nga po na itong mga batang ito ay gumon sa paglalaro ng online gaming na marahas. So napag-usapan po na ‘yung mga ganoong klaseng app ay dapat na ma-ban sa Pilipinas.” -Castro.
Kabilang aniya sa mga ikinu-konsidera ang pagbabawal sa mobile applications na nakaka-impluwensya sa pag-gawa ng karahasan.
Umaasa ang Palasyo na para sa isang panukala na tutugon sa mga isyu sa paggamit ng mga kabataan sa social media.
“So maganda pong mungkahi iyan at sana makagawa agad ng batas at open ang Pangulo sa ganyang mga panukala.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan