Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawang indibidwal matapos salakayin ang isang LPG refilling station sa Brgy. San Ignacio, San Pablo City sa Laguna.
Nasamsam sa nasabing operasyon ang iba’t ibang ebidensya gaya ng mga kagamitan sa iligal na pagre-refill at mga tangke ng LPG na nagkakahalaga ng mahigit ₱8.2 milyong piso.
Sa ulat kay CIDG Director, Police Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, huli sa akto ng mga awtoridad ang mga suspek na kinilala lamang sa mga alyas na “Ardo” at “Cris” na nagkakarga ng tangke ng LPG nang walang permiso mula sa kumpaniyang PryceGas, Inc.
Ang PryceGas ang siyang may-ari ng pasilidad kung saan nagsasagawa ng iligal na aktibidad ang dalawang arestado.
Dahil dito, kumpiskado ng mga awtoridad ang isang tanker truck, tractor, 24 na may lamang tangke ng LPG, 49 na walang lamang tangke, discharging hose, spanner wrench, improvised adapter, at timbagan.
Ikinakasa na ng Pulisya ang mga kasong isasampa laban sa mga naaresto gaya ng paglabag sa Republic Act 5700 at 11592 o ang iligal na pagbebenta ng mga tangke ng LPG nang walang pahintulot sa may-ari.
📸 CIDG
