Naglaan ang Government Service Insurance System (GSIS) ng paunang ₱69.1 milyong pondo bilang reserba para sa mga claims o habol sa pinsala dulot ng magnitude 7.8 na lindol na niyanig ang ilang bahagi ng Mindanao kamakailan.
Ayon sa ulat ng state insurer noong Miyerkules, sasakupin ng naturang pondo ang paunang ulat na kinabibilangan ng 4,403 insurance policies na may kabuuang insured value na ₱23.59 bilyon. Naitala ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga naapektuhang ari-arian ng pamahalaan sa General Santos City.
Binigyang-diin ni GSIS President and General Manager Wick Veloso ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na insurance coverage upang matiyak na hindi mapuputol ang serbisyo-publiko pagkatapos ng isang kalamidad.
“Ipinapakita ng lindol na ito ang kritikal na papel ng insurance sa pagprotekta sa mga ari-arian ng pamahalaan at sa pagtitiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo sa publiko,” pahayag ni Veloso. “Hinihimok namin ang mga ahensya na regular na suriin ang kanilang coverage at asset valuations para mas mabilis silang makabangon kapag may sakuna.”
Ang hakbang na ito ay tugon din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang “whole-of-government response” o pagtutulungan ng buong pamahalaan sa panahon ng kalamidad. Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang GSIS sa mga pambansang ahensya at lokal na pamahalaan habang patuloy pa ang assessment sa mga pinsala.
Para mapabilis ang deklarasyon ng claims, nagsagawa na ng on-site inspection ang mga koponan ng GSIS sa Mindanao State University–General Santos, sa lokal na pamahalaan ng General Santos City, at sa Munisipalidad ng Alabel upang suriin ang lawak ng pinsala sa mga pasilidad at gabayan ang mga ahensya sa pagsusumite ng mga dokumento.
Inihayag naman ng GSIS na maaari pang magbago o madagdagan ang inilaang ₱69.1 milyong pondo habang bineberipika ang mga susunod pang ulat at kapag natapos na ang lahat ng inspeksyon sa mga apektadong lugar.