Naging matagumpay ang pagbubutas sa artificial dam na nabuo sa Barangay San Isidro, Jose Abad Santos, Davao Occidental, at kasalukuyan nang dumadaloy pababa sa Nuing River ang naipong tubig.
Isinagawa ang pagbubutas upang makontrol ang daloy ng tubig at mabawasan ang posibleng panganib sa mga kalapit na komunidad.
Una nang nagkaisa at nagtulungan sa mano-manong paghuhukay ng kanal ang mga tauhan ng iba’t ibang ahensya at mga residente ng Barangay San Isidro upang mabigyan ng lagusan ang naipong tubig sa nabuo umanong lawa sa lugar.
Kabilang sa mga lumahok sa operasyon ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Davao Central 911 USAR Team, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, at mga residente ng barangay.
Ayon sa mga awtoridad, hindi madaling madala sa lugar ang mga heavy equipment dahil sa mga pagguho ng lupa at pagkasira ng mga kalsada matapos ang malakas na lindol. Sa kabila nito, naging matagumpay ang isinagawang operasyon na nagbigay ng agarang lunas sa banta ng pag-apaw ng tubig sa komunidad lalo pa at may mga kabahayan at mga pananim sa naturang lugar.
📷PDRRMO Davao Occidental

