Handa na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa target nitong makapagtanim ng tatlong milyong puno sa buong bansa ngayong Philippine Arbor Day.
Nakatakdang pangunahan ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna ang pagtatanim ng puno sa Gomburza National Monument sa Padre Burgos Avenue sa Maynila.
Kasabay nito, nasa 1,642 na mga lungsod at munisipalidad ang makikiisa rin sa isasagawang malawakang tree-planting activities sa bansa.
Kabilang sa itatanim ang mga katutubong puno, indigenous species, mga punong namumunga, bakawan, at iba pang angkop na uri ng halaman sa mga urban areas, pampublikong lugar, paaralan, kagubatan, at watershed.
Layon ng pagdiriwang na hikayatin ang bawat Pilipino na makiisa sa pagbuo ng mas luntiang komunidad.
