Nagbabala ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko kaugnay ng mga kumakalat na text message na nag-aalok ng ID replacement sa pamamagitan ng pag ‘click’ sa link.
Ayon sa state health insurer, peke ang mga naturang mensahe at hindi ginagawa sa text o online links ang pagpapalit ng ID cards.
Nagagawa anila ng mga scammer na palabasing lehitimo ang mga text message na kanilang ipinadadala gamit ang pangalan ng PhilHealth.
Dahil dito, sinabi ng PhilHealth na hindi sila kailanman magpapadala ng mensahe sa text na may lamang link, hindi rin sila hihingi ng password at ng one-time pin (OTP) gayundin ng mga detalye ng bangko o e-wallet kung saan uutusang magbayad ang publiko.
Giit ng PhilHealth maaari lamang makipagtransaksyon sa kanila sa pamamagitan ng official channels gaya ng kanilang mga pisikal na tangapan, member portal, at eGovPH app.
Hinimok naman ng PhilHealth ang publiko na isumbong sa kanilang official channels at Facebook account na PhilhealthOfficial o magpadala ng e-mail sa actioncenter@philhealth.gov.ph kung maka-engkuwentro ng kahina-hinalang transaksyon.