Positibo ang Department of Agriculture (DA) na magiging napakalaking tulong ng pinalakas na ugnayan ng DA at ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) pagdating sa data sharing upang maisulong ang Climate Resilient Agri Planning.
Inihayag ni Agriculture Undersecretary Atty. Asis Perez, na isa itong game changer pagdating sa sektor ng agrikultura dahil mas magiging maayos na ang climate prediction measures ng kagawaran na maibabahagi rin sa mga magsasaka, upang mapaghandaan ang banta ng bagyo at ang kinahaharap ngayon ng bansa na matinding El Niño.
Sa tulong kasi nito ay mas maayos nang mapaplano kung ano-anong agri produce ang itatanim at magkakaroon din ng mga hakbang upang protektahan ang mga tanim at mapababa ang production loss.
Nakapaghahanda na rin ang DA ng prepositioned seeds at fertilizers upang agad na makatugon sa mga lugar at sakahang tatamaan ng kalamidad o extreme weather condition.
Makatutulong din ito upang mas maging pulido rin ang pagdedesisyon ng DA sa kanilang mga hakbang upang mas mapataas pa ang produksiyon ng agri produce sa bansa.