Plano pang palawigin ang irigasyon at posibleng imprastraktura ng mga dam sa bansa sa tulong ng Asian Development Bank (ADB) at ng Israeli government.
Ayon kay National Irrigation Administration (NIA) Administrator Engr. Eddie Guillen, nakahanda ang ADB na maglaan ng pondong aabot sa $1 bilyon upang higit pang mapaunlad ang mga irigasyon at dam sa bansa.
Samantala, nais namang magbigay ng suporta ang Israeli government sa pamamagitan ng paggamit ng Artificial Intelligence (AI) technology para sa naturang proyekto.
Paliwanag pa ng opisyal na napabilib ng ahensya ang mga opisyal ng Israeli government at ADB dahil sa maayos na sistema ng pagpaplano, koordinasyon, operasyon, at pagmimintina ng mga pasilidad, lalo na ang aktibong partisipasyon ng Irrigators Associations (IA).
Dagdag pa ng opisyal, nakahanda silang tulungan ang mga IA sa pagproseso ng mga dokumento sa Securities and Exchange Commission (SEC), pagtuturo ng tamang paggamit ng mga pasilidad, at pagbibigay ng mga insentibo upang matiyak ang maayos na operasyon ng irigasyon sa kanilang mga nasasakupan.
Sinabi pa ni Guillen na maraming dam sa bansa ang kailangang sumailalim sa rehabilitasyon dahil sa kalumaan at matagal na pagpapabaya. Gayunman, tiniyak niyang matibay ang pagkakagawa ng mga dam sa bansa.
Ipinagmalaki rin ni Guillen na dinoble ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pondong inilaan sa NIA para sa mga proyektong pang-imprastraktura.
