Kumpiyansa ang Malacañang na kakikitaan ng mas malakas na paglago ng ekonomiya ang ikalawang quarter ng 2026, kasabay ng pagbabalik sa momentum ng paggastos ng pamahalaan sa imprastruktura.
Ayon kay Communications Usec Claire Castro, inaasahan na ng administrasyon ang pagpapanumbalik ng mga aktibidad sa infra sector, na makaka-ambag sa economic expansion ng Pilipinas.
Kasunod na rin ito ng mga naitalang delay sa infra projects, bunsod ng mga isinagawang imbestigasyon sa anomalya sa flood control at iba pang public works programs.
“Since ngayon ay gumaganda naman ang paggastos sa imprastraktura, nakikita nyo naman po. So nakikita sa second half this year ay malamang magkakaroon na ng konting improvement,” —Castro.
Binibilisan na ng pamahalaan ang implementasyon ng mga infra projects nito, partikular iyong mga una nang naaprubahan at nasimulan.
Kung matatandaan, una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang agad na paglalabas ng pondo para sa ongoing infrastructure projects, upang masiguro ang napapanahong pag-kumpleto sa mga ito, at upang ma-sustain ang economic activity sa iba’t ibang bahagi ng bansa. | ulat ni Racquel Bayan