Photo courtesy of International Maritime Organization (IMO)
Pansamantalang itinigil ng United Nations (UN), sa pamamagitan ng International Maritime Organization (IMO), ang pag-escort sa mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz matapos maiulat ang pag-atake sa isang cargo vessel malapit sa baybayin ng Oman.
Ayon sa ulat ng Reuters, ginawa ang hakbang upang muling suriin ang kaligtasan ng mga barkong kabilang sa programang inilunsad kamakailan upang mailikas ang daan-daang sasakyang pandagat at libo-libong tripulanteng naipit sa rehiyon dahil sa kaguluhan.
Bagama’t hindi bahagi ng programa ang barkong inatake, nagdulot ang insidente ng panibagong pangamba sa seguridad ng isa sa pinakamahalagang rutang dinaraanan ng pandaigdigang supply ng langis.
Nauna nang nagbabala ang Iran na tanging mga barkong susunod sa mga rutang itinakda nito ang mabibigyan nang ligtas na paglalayag.
Sinabi naman ni IMO Secretary General Arsenio Dominguez na mananatiling suspendido ang operasyon habang isinasagawa ang panibagong pagsusuri sa mga hakbang pangkaligtasan para sa mga sasakyang pandagat at kanilang mga tripulante.
Wala pang agarang komento mula sa pamahalaan ng Estados Unidos hinggil sa insidente ngunit una nang sinabi ni U.S. President Donald Trump na muli itong magsasagawa nang pag-atake sa Iran kung hindi igagalang ng Tehran ang naging kasunduan.