Nakauwi na sa Pilipinas ang 24 na mga overseas Filipino worker (OFWs) na nadetine sa Bureau of Immigration ng Russia dahil sa overstaying o pagiging undocumented at hindi pagdaan sa tamang proseso ng recruitment.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Department of Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia, ibinahagi nito na ang pagpapauwi sa mga OFW na na-detain sa Russia ay bunga nang pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Russian President Vladimir Putin.
Aniya, ang mga OFW na ito ay nahikayat lamang ng isang illegal recruiter dahil sa laki ng sahod ngayon ng isang cleaner sa Russia mula sa epekto ng kaguluhan doon.
Pagbabahagi pa ni Olalia, walang involved na recruitment agency sa pagpunta ng mga OFW dahil isang Pilipino na dating nang nakapagtrabaho at may contact sa isa cleaning company roon ang nanghikayat sa mga biktima.
Sa ngayon, nakauwi na ang 23 mga OFW sa kani-kanilang pamilya, maliban sa isa na naka-detine dahil sa kahaharaping nitong kaso na may kaugnayan sa illegal recruitment.