Wala ring napaulat na nasaktan sa mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Japan matapos ang magnitude 7.2 na lindol doon nito ring Huwebes.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Consul General Robert Quentin ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo, iniulat nito na nananatiling maayos ang kalagayan ng mga Pinoy roon, partikular sa mga apektadong prefectures ng Hokkaido, Iwate, Aomori, Miyagi, at Akita.
“So far, sa kabutihang palad, wala naman pong naiulat pa sa amin na mga kababayan natin na naapektuhan sa paglindol. Patuloy po naming sinisikap na tiyakin kung kumustahin po ang ating mga kababayan doon. So, so far, mabuti naman po ang kalagayan nila dito,” pahayag ni Quentin.
Aniya, sa bilang ng mga na nagtamo ng sugat matapos ang lindol, wala rito ang napaulat na Pilipino.
Samantala, patuloy naman ang panawagan ng embahada sa mga Pilipino roon na patuloy na sumunod sa mga paalala ng pamahalaan ng Japan hinggil sa lindol at huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa pasuguan para sa ano mang tulong na kanilang hihingiin.