Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagpasa ng isang ordinansa upang mapatalsik sa paaralan o ma-kick out ang mga estudyanteng masasangkot sa riot, kahit pa ito ay mangyari sa labas ng paaralan.
Ginawa ang pahayag ni Manila City Mayor Isko Moreno kasunod ng mga ulat ng pagiging agresibo ng ilang estudyante, kabilang ang naganap na pamamaril sa Tacloban kung saan tatlo ang nasawi at marami ang nasugatan.
Ayon kay Mayor Moreno, mapapatalsik din sa paaralan ang mga estudyanteng magdadala ng armas sa loob ng paaralan.
Pagpupulungan nila sa Lunes, kasama ang binuong task force, ang mas mahihigpit na patakaran sa expulsion, kabilang na ang para sa mga nambu-bully.
Kapag naipasa ito sa Sangguniang Panlungsod, hindi na maaaring mag-aral sa mga pampublikong paaralan sa Maynila ang mga mapatutunayang lalabag.