Umabot na sa ₱147.163 milyon na halaga ng medical assistance sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) ang na-avail ng mga pasyente ng Cebu City Medical Center dito sa lungsod ng Cebu.
Ayon kay Antonette Cuando, head ng Medical Social Services Unit ng CCMC, mula buwan ng Enero hanggang Hulyo ngayong taon, umabot na sa 9,327 na mga pasyente ang nakapag-avail ng nasabing medical assistance na programa ng Department of Health.
Ayon naman kay Dr. Anton Oliver Reposar II, Chief of Hospital ng CCMC na malaking tulong sa kanilang mga pasyente ang MAIFIP dahil bilang isang LGU-run hospital, karamihan sa kanilang mga pasyente ay mga indigent.
Aniya sa pamamagitan ng nasabing programa, mababawasan na ang pangamba ng mga pasyente kaugnay sa kanilang babayaran sa hospital.
Dagdag pa ni Dr. Reposar na sa pamamagitan ng nasabing medical assistance mas matutuunan na ng publiko ang pangangalaga sa kanilang kalusugan at pagpapagamot ng kanilang sakit na hindi na mag-aala sa mga gastusin.
Umaasa naman si Dr. Reposar na madagdagan rin ang budget ng programa sa kanilang pagamutan at magpapatuloy ang implemetasyon ng programa upang marami pang mga pasyente ang matulungan.
📷 Cebu City PIO