Pinagsusumite ng paliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang JoyRide PH kaugnay ng viral video ng umano’y sexual harassment sa isang babaeng pasahero.
Naglabas ang LTFRB ng show cause order laban sa JoyRide at hinihingi ang paliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang operasyon nito bilang motorcycle taxi platform provider.
Inatasan din ni Acting LTFRB Chairperson, Atty. Greg Pua Jr. ang JoyRide na tiyaking haharap sa pagdinig ang rider na sangkot sa insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon, nag-book ang pasahero ng biyahe mula San Mateo, Rizal patungong Cubao, Quezon City nang umano’y i-harass siya ng rider.
Sinabi ni Pua na tinitingnan din ng ahensya ang posibleng paglabag sa pag-vet sa mga rider ng platform.
Itinakda sa Oktubre 6 ang pagdinig sa kaso.