Nakatanggap ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 73 bagong motorsiklo upang mas mapabilis ang pagtugon sa mga tawag sa Unified 911 emergency hotline.
Ginanap ang turnover sa NCRPO Headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ngayong araw, sa pangunguna nina Interior Secretary Jonvic Remulla at NCRPO Chief PBGen. Christopher Abrahano.
Tig-18 ang ibibigay sa Maynila at Pasay, 14 sa Taguig, 13 sa Quezon City at 10 sa Pasig.
Ayon kay Abrahano, makatutulong ang mga ito upang mas mabilis na marating ng mga pulis ang mga emergency, lalo na sa mga lugar kung saan naaantala ang patrol vehicle dahil sa matinding trapiko.
Samantala, paliwanag naman ni Remulla, napakahalaga ng response time, at sa sikip ng kalsada sa Metro Manila ay hindi kasing-epektibo ng motorsiklo ang mga patrol car. Sa halip na gumastos ng 10 beses na mas mataas para sa isang patrol car, minabuti nilang mamuhunan sa mga scooter.
Isinabay din ang paglulunsad sa papalapit na holiday season upang may sapat na puwersa ang mga pulis sa pagtugon sa mga tawag ng publiko.
Ayon kay Remulla, taun-taon na rin ang refloating program ng buong PNP at nakaprograma na ito para sa susunod na limang taon.
Saklaw ng programa ang iba’t ibang rehiyon at madadagdagan pa ito taon-taon.