Mahigit 1,236 PBBM Scholars sa Eastern Samar ang nakatanggap ng tig-₱20,000 educational assistance mula sa pambansang pamahalaan sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ilalim ng programa, lahat ng 597 barangay sa 23 local government units (LGUs) ng Eastern Samar ay may alokasyon na limang PBBM Scholars, na pangunahing kabilang ang mga graduating college students at mga estudyanteng nangangailangan ng karagdagang suportang pinansyal.
Kapag ganap na naipatupad sa lahat ng barangay, aabot sa 2,985 scholarship slots ang programa sa buong lalawigan.
Kabilang sa mga LGU na nagsagawa na ng payout ang Borongan City, Maydolong, San Julian, Sulat, Taft, Hernani, General MacArthur, Mercedes, Quinapondan, Lawaan, Balangiga at Giporlos.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng ₱20,000 one-time educational assistance na maaaring gamitin para sa kanilang mga gastusin at iba pang pangangailangan sa pag-aaral.
Ang Local Government Support Fund o LGSF ay pondong nagmumula sa pambansang pamahalaan upang suportahan ang mga programa at proyekto ng mga lokal na pamahalaan na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad.
Layunin ng educational assistance na makatulong sa mga estudyante, lalo na sa mga graduating college students, upang maipagpatuloy at makumpleto ang kanilang pag-aaral.