Nanawagan ang mga eksperto sa ASEAN Peace Education High-Level Conference na palakasin ang peace education at pangalagaan ang mga katutubong mekanismo sa pagresolba ng alitan para sa susunod na henerasyon.
Ayon kay Engr. Andres Ngao-i, Secretary General ng Kalinga Bodong Council at Chairman ng Matagoan Bodong Consultative Council, mahalagang maisama sa mga programa ng Department of Education (DepEd) ang Indigenous Peoples Education Program, gayundin sa mga pamantasan.
Samantala, sinabi ni Dr. Kamarulzaman Askandar, Board Chairperson ng Strengthening Human Rights and Peace Research and Education in ASEAN/Southeast Asia (SHAPE-SEA) at Regional Coordinator ng Southeast Asian Conflict Studies Network (SEACSN), na dapat ding isulong ng mga institusyon sa higher education ang peace at human rights education sa pamamagitan ng mga balangkas na nakatuon sa dignidad ng tao, pagkakaiba-iba, mapayapang lipunan, kalayaang akademiko at ecological justice.
Sa pagtatapos ng sesyon, sinabi naman ni Dr. Raymundo Rovillos, Pangulo ng Pangasinan Polytechnic College at Chairperson ng Technical Panel for Indigenous Peoples and Peace Studies/Education ng CHED, na nakatuon ang mga katutubong paraan ng pagresolba ng alitan sa pagpapanumbalik ng pagkakaisa at maayos na ugnayan ng mga komunidad.