Walang puwang ang pag-abuso at pagnanakaw sa pondo ng taumbayan sa ilalim ng Marcos Administration.
Ito ang binigyang-diin ni Communications Usec. Claire Castro sa gitna ng mga kinukwestyong budget insertions, habang patuloy na binubusisi ng Kongreso ang pondo para sa susunod na taon.
Ayon sa opisyal, hindi hahayaan ni Pangulong Marcos ang anomang amyenda sa budget na walang sapat na dokumento, walang tamang deskripsiyon, at walang kahihinatnang proyekto.
Sa kabila nito, hindi aniya makikialam ang pangulo sa nagpapatuloy na pagbusisi ng Kongreso sa 2027 budget.
Sabi ni Castro, dadaan pa sa bicameral conference ang budget.
Sa sandaling lumusot ang pambansang pondo sa bicam, dadaan pa aniya ulit ito sa pagsusuri ng economic team bago tuluyang pirmahan ni Pangulong Marcos.
Kaugnay nito, umapela ang Palasyo sa publiko at mga kritiko na hayaan munang matapos ang proseso ng pagtalakay sa budget at huwag agad mag-akusa na mayroong anomalya at kasalanan ang administrasyon.
Nanawagan din si Castro sa mga nagtatanggol sa budget na ipagpatuloy ang pagbabantay at punahin ang kwestyonableng items dahil nakikinig si Pangulong Marcos.