Naniniwala ang isang law expert na matibay ang legal na basehan ng bansa kaugnay sa warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa dahil kinikilala ng Konstitusyon ng Pilipinas ang mga generally accepted principle ng mga international law.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service sa Constitutional Law Expert na si Atty. Domingo “Egon” Cayosa, nilinaw nito na kahit kumalas na bilang miyembro ng ICC ang Pilipinas ay mayroon pa ring residual responsibility ang bansa rito.
Aniya, ito’y dahil isinampa ang kasong Crimes Against Humanity noong panahon na ICC member pa ang Pilipinas.
At dahil ang ICC ang korte na kumakatawan sa mga global crime na kinikilala rin ng buong mundo na may hurisdiksyon dito, tinutupad lamang nito ang kanilang mandato.
Binigyang-diin din ni Atty. Cayosa na kasama sa obligasyon ng bansa ang pagsali sa mga international community bilang bahagi ng batas at pagkilala sa mga international law.