Walang nasaktan na Pilipino sa Venezuela matapos ang kambal na lindol doon nitong Huwebes.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Third Secretary Jan Mikhail Solitario ng Embahada ng Pilipinas sa Colombia, iniulat nito na hanggang ngayong Biyernes ng umaga (oras sa Pilipinas) ay wala silang natanggap na ulat ng casualty, injury, o nawawala mula sa mga Pilipinong nasa Venezuela.
Aniya, agad silang nakipag-ugnayan sa mga Filipino community, partikular sa konsentrasyon ng mga ito sa Caracas at Barinas, na mabilis namang nakatugon mula sa pangangalap ng impormasyon ng Pasuguan ng Pilipinas sa Colombia.
“Mula po kahapon ng hapon nung tumama po… ang magkasunod na 7.2 at 7.5 magnitude na lindol sa Venezuela malapit po sa Northeastern border, malapit din po sa Caracas, nakipag-ugnayan na po tayo agad sa ating Filipino community at hanggang sa araw pong ito, wala pong naitalang casualty, injury, o nawawalang Pilipino mula po sa ating Filipino community sa kabuoan po ng Venezuela,” ani Solitario.
Sa datos ng Embahada, nasa 47 mga Pilipino na binubuo ng religious missionaries at mga Pilipinong nakapangasawa na ng mga taga-Venezuela ang kasalukuyang naroon.
Kalahati ng nasabing bilang ay naninirahan o namumuhay sa Caracas, ang kabisera ng Venezuela.