All systems go na ang Quezon City Government para sa muling pagdiriwang ng Love Laban Pride Festival 2026 bukas, June 27, sa UP Diliman.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, inaasahang mas marami pa ang makikiisa ngayong taon, kung saan posibleng umabot sa 400,000 miyembro at allies ng LGBTQIA+ ang dadalo sa pagdiriwang na nagsusulong ng karapatan, kalusugan, at pagkakapantay-pantay para sa LGBTQIA+ community.
Inaasahang magsisimula 8:00 AM ang mga aktibidad na kaugnay ng festival.
Kaugnay nito, magbibigay ang Quezon City Government ng libreng sakay sa Q City Bus Service mula Quezon City Hall papuntang UP Diliman at pabalik kada 30 minuto, simula 8:00 AM hanggang matapos ang festival.
Pinapayuhan naman ang mga dadalo na gumamit ng pampublikong transportasyon dahil limitado ang parking sa UP Diliman. Maaari ring mag-iwan ng sasakyan sa Quezon City Hall o Quezon Memorial Circle at sumakay ng libreng bus.
Pinaalalahanan naman ng alkalde ang publiko na magdala ng payong, raincoat o poncho dahil posible ang pag-ulan, gayundin ng sariling tumbler bilang bahagi ng kampanya ng Quezon City laban sa single-use plastic.