Tiniyak ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na nananatili sa mga prayoridad ng Marcos Administration ang kapakanan, kaligtasan at mga oportunidad para sa mga Filipino seafarer.
Ito ang naging pagtiyak ni Cacdac kasunod ng isinagawang Philippine Maritime Convention 2026 kung saan naging panauhing pandangal si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Aniya, simula pa lang ng manungkulan si Pangulong Marcos ay pinatutukan na nito ang kapakanan ng mga Pilipinong marino dahil Pilipinas pa rin ang nangungunang supplier ng mga seafarer sa buong mundo.
Patuloy din ang mga adhikain ng pamahalaan upang iangat pa ang kalidad ng edukasyon, pagsasanay, employment at welfare services, reintegration assistance, at iba pang mga programa para sa buong Philippine Maritime industry.
Nais din ni Pangulong Marcos, na habang iwinawagayway ng mga Pilipinong mandaragat ang watawat ng Pilipinas ay taas-noo rin nilang ipinagmamalaki na hindi sila pinababayaan ng pamahalaan at ng bansa.
Tiniyak din ng kalihim, na patuloy rin ang pagkayod ng pamahalaan upang mas mapalawak pa ang mga oportunidad para sa mga Pilipinong mandaragat.