Iginiit ng House prosecution team na nananatili ang two-thirds requirement sa botohan para sa conviction ni Vice President Sara Duterte, sa kabila ng naging ruling ng Senate Impeachment Court sa vote threshold.
Ayon kay prosecution panel adviser Ace Barbers, may kapangyarihan ang Senado na magtakda ng rules sa paglilitis at pagdedesisyon sa impeachment cases.
At sa kabila ng naging desisyon sa bilang ng boto ay tumatalima pa rin aniya sila sa nakasaad sa Saligang Batas.
Sinabi naman ni prosecution spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na hindi binago ng ruling ang two-thirds requirement na nakasaad sa Konstitusyon.
Ang mahalaga aniya, nananatiling two-thirds ang kinakailangang boto para sa conviction anuman ang maging pinal na bilang na pagbabasehan.
Ganito rin ang punto ni House prosecutor Leila de Lima.
Dagdag pa niya, anuman ang pinal na numero, tuloy ang prosekusyon sa paglalatag ng mga ebidensya para sa pananagutan at hustisya.
Batay sa ruling ng Senate Impeachment Court kailangan ng 14 na boto para ma-convict ang bise-presidente.