Photo courtesy of Stratbase ADR Institute
Nakatakdang simulan ng Pilipinas at India ang pag-uusap tungkol sa isang Preferential Trade Agreement (PTA) sa susunod na taon. Layunin nitong palakasin ang kalakalan, lumikha ng mas maraming oportunidad sa negosyo, at makatulong sa paglago ng ekonomiya.
Ayon kay Indian Ambassador to the Philippines Harsh Kumar Jain, maliit pa lamang ang bahagi ng kalakalan ng India at Pilipinas kumpara sa kabuuang kalakalan ng India sa ASEAN.
Tinatayang nasa US$128 bilyon ang kabuuang kalakalan ng India sa 11 bansang miyembro ng ASEAN. Samantala, nasa US$ 3.9 bilyon naman ang kalakalan ng India at Pilipinas.
Sinabi ni Jain na malaki ang ekonomiya ng Pilipinas at bumubuo ito ng 11.6 porsiyento ng kabuuang GDP ng ASEAN. Dahil dito, nakikita ng India ang malaking potensyal na mapalawak pa ang kalakalan sa Pilipinas.
Sinabi rin ni Jain na napagkasunduan na ng dalawang bansa ang mga tuntunin para sa bubuuing negotiating committee o pangkat na mangunguna sa negosasyon. Gayunman, kailangan muna nilang hintayin ang pagkumpleto sa ASEAN-India Trade in Goods Agreement (AITIGA) sa susunod na taon.