Inaasahang mas tataas ang bilang ng mga produktong ini-export ng Pilipinas sa mga bansa sa Europa sakaling malagdaan na ang Free Trade Agreement (FTA) sa pagitan ng bansa at ng European Union (EU).
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Trade Secretary Ma. Cristina Roque, sinabi nito na ang mandato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay ang ilapit ang mga FTA sa mahahalagang bansa sa mundo upang makilala ang mga produktong nagmumula sa Pilipinas sa pandaigdigang merkado.
Aniya, kapag naisakatuparan na ang PH-EU FTA, makikipagsabayan na ang produkto ng Pilipinas sa EU market dahil magkakaroon ng preferential tariffs o tatanggalan ng taripa ang ilang mga produktong ie-export sa kanila na magiging dahilan nang pagbaba ng mga presyo nito.
Dagdag pa ng kalihim, marami na ang FTA na naipatupad ni PBBM mula sa iba’t ibang bansa at mayroon pang mga nakatakdang lagdaan sa pagitan naman ng Pilipinas, Japan, Canada, at European Union na may malawak na merkado.
Ayon pa sa opisyal, ang kaibahan ng PH-EU FTA sa ibang mga kasunduan ay ang pagkakaroon ng preferential tariffs nito at ito rin aniya ang nangungunang export market sa ASEAN sa kasalukuyan.