Gumagawa na ng mga hakbang ang Department of Energy o DOE sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East sa pagitan ng Iran at US na nakaapekto sa supply at presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, kabilang dito ang patuloy na pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa halos lahat ng bansa, kabilang na ang Russia, Canada, US, Colombia, Australia, China, Japan at iba pang bansa.
Ito’y para may matakbuhan at makuhanan ng supply ang Pilipinas, aniya, sakaling tuluyang magsara ang Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang nasa 80 porsyento ng produktong petrolyo ng bansa.
Aminado naman si Garin na hindi pa rin masasabi kung kailan matatapos ang krisis. Pero sa ngayon, ayon sa DOE, nananatiling sapat at mayroon pang 54 na araw na supply ng langis ang bansa.