Arestado ang isang dating sundalo at tatlo pang iba na pinaghihinalaang miyembro ng mga sindikatong nanloloob sa mga convenience store sa Calabarzon.
Batay sa ulat na natanggap ng Camp Crame, nakapambiktima pa ang grupo sa isang grocery chain sa Trece Martires, Cavite noong Miyerkules, September 23.
Nagkasa naman ng hot pursuit operation ang pulisya at natunton sila sa isang hotel sa Catanauan, Quezon bandang alas-3:40 ng madaling araw.
Isa sa kanila ay natukoy na dating korporal na nag-AWOL mula sa pagkakadestino nito sa 9th Infantry Division ng Philippine Army simula noong 2011.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, inaalam pa ng mga awtoridad kung sila rin ang nasa likod ng sunod-sunod na panloloob sa Rizal at iba pang bahagi ng Region IV-A, na karaniwang tumatarget sa mga katulad na establisimyento.
“‘Yun po ang tinitingnan natin, kakapangyari lang nga po, kakahuli lang natin kaninang umaga, so we are still conducting investigation, as well as ‘yung tactical interogation sa kanila to find out… they admitted actually to the Dali incident at nagastos na nga nila ang pera so we were able to recover mga barya na lang,” ani Co.
Nasamsam sa mga suspek ang isang M16 rifle, dalawang kalibre .45 na pistola, isang kalibre .30 na rebolber, iba’t ibang magazine at bala, dalawang rifle grenade, dalawang M203 grenade ammunition, at ang Nissan Terrano na kanilang ginamit.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong robbery at ilegal na pag-iingat ng high-powered firearms.