MANILA— Mas pinalawak ng Globe Telecom ang paggamit nito ng digital technology at artificial intelligence (AI) habang naghahanda ang kompanya sa lumalaking pangangailangan ng mga negosyong Pilipinong nagbabalak palawakin ang operasyon sa Southeast Asia.
Kasunod ito ng pagtatapos ng negosasyon para sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA) noong Mayo 2026, na naglalayong palawakin ang digital trade at cross-border data flows at palakasin ang electronic payments, cybersecurity cooperation, at paggamit ng emerging technologies sa rehiyon.
Naglaan ang Globe ng P26.3 bilyon para sa capital expenditures sa unang kalahati ng 2026, kung saan humigit-kumulang 91% ang napunta sa mga proyektong may kaugnayan sa data upang palawakin ang network capacity at mapahusay ang serbisyo.
Samantala, umabot sa rekord na P11 bilyon ang kita ng kompanya mula sa Corporate Data ngayong taon, mas mataas ng 15% kumpara sa nakaraang taon. Iniugnay ito ng Globe sa patuloy na pangangailangan ng mga negosyo para sa connectivity, information and communications technology (ICT), at iba pang digital solutions.
“A more connected ASEAN opens a bigger market for Philippine businesses. Globe can help them get there by providing the connectivity and digital capabilities they need to grow, while also helping companies from across the region establish and expand their presence in the Philippines,” ayon kay Globe President at Chief Executive Officer Carl Cruz.
Ayon sa Globe, kakailanganin ng mga kompanyang Pilipino na nais magpalawak sa rehiyon nang maaasahang connectivity, digital infrastructure, at technology support. Kailangan din umano ng mga dayuhang kompanyang papasok sa Pilipinas ang mga katulad na serbisyo para maitatag at mapalago ang kanilang operasyon.
Kabilang sa pinalalakas ng Globe ang mga serbisyong connectivity, cloud, cybersecurity, data, at AI. Nakikipagtulungan din sila sa regional telecommunications operators, global technology companies, at startups upang palawakin ang access ng mga negosyo sa mga digital service at teknolohiya sa labas ng lokal na merkado.
Mahigit 260 AI use cases na ang ginagamit o binubuo ng Globe, kabilang ang mga aplikasyon para sa customer experience, network management, at pagbuo ng mga bagong produkto at serbisyo.
Kasabay nito, minomodernisa ng Globe ang transport network, pinalalawak ang fiber infrastructure, at pinatitibay ang network resiliency upang matugunan ang lumalaking paggamit ng AI applications, cloud platforms, at connected devices.
Ayon sa Globe, bahagi ng mga hakbang na ito ang paghahanda sa mga negosyo para sa mas malawak na paggamit ng AI at iba pang digital technologies habang lumalawak ang digital economy sa ASEAN. [END]