Ikinatuwa ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pagpapatibay ng Bicameral Conference Committee ng panukalang Voucher Program sa private schools.
Ayon kay Speaker Dy, layunin nitong mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang mga mag-aaral nang hindi na mamroblema sa matrikula ang kanilang mga magulang.
Aniya, layon ng panukala na bigyan ng mas maraming pagpipilian ang mga magulang kung saan nila pag-aaralin ang kanilang mga anak na tumatanggap ng vouchers mula sa gobyerno.
Binigyang-diin ng House leader na nananatiling pinakamahusay na investment ang edukasyon para sa kinabukasan ng bansa.
Sa pinagsamang bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso, palalawakin ang scholarship program para sa mga mag-aaral sa mga pribadong paaralan.
Ang naturang panukala ay isa sa 26 na LEDAC priority measures na inaprubahan ng Kamara noong nakaraang taon.
Matapos ang pagpapatibay ng Bicameral Conference Committee, isusumite na ang ulat sa Senado at Kamara para sa pormal na ratipikasyon bago ito tuluyang iakyat sa Malacañang para lagdaan at gawing batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

