Photo courtesy of Senate Social Media Unit
Pormal nang tinapos ng Senate impeachment court ang limang araw na pre-trial conferencce kaugnay ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Matatandaang nagsimula ang pre-trial conference nitong June 18 at nagtapos matapos ang limang working sessions na nakatuon sa paghahanda para sa mismong paglilitis na itinakda sa July 6.
Pangunahing pinagtuunan sa pre-trial conference ang paunang pagmamarka at pagsusuri ng mga documentary evidence na inihain ng prosecution at defense panel.
Pinangunahan ni Senate secretary at impeachment clerk of court Atty. Renato Bantug Jr. ang ginawang pre-trial conference at dinaluhan din ng house prosecution panel sa pangunguna ni Batangas Representative Gerville Luistro.
Ang defense team naman ni VP Sara ay pinangunahan ng kanyang lead counsel na si Atty. Shiela Sison.
Ayon kay Bantug, ngayong tapos na ang pre-trial conference ay nakatakda nang maglabas ang impeachment court ng pre-trial order na maglalaman ng lahat ng natalakay at ginawa nila nitong nakalipas na limang araw.
Kabilang dito ang stipulation of facts, issues na kailangang resolbahin sa paglilitis, marked evideces, witness list at ang trial schedule.
Hindi naman nagbigay si Bantug ng eksaktong petsa kung kailan ilalabas ang pre-trial order pero tiniyak na ilalabas nila ito sa lalong madaling panahon.