Kinondena ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang aniya’y pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa Juvenile Justice and Welfare Act (JJWA) kasunod ng school shooting sa Tacloban.
Ayon kay Pangilinan, bilang ama ay muli niyang kinokondena ang insidente ng pamamaril, gayundin ang mga kasinungalingang ikinakalat tungkol sa batas at sa kanya.
Sinabi ng senador na ang disinformation ay hindi nakatutulong dahil inililihis nito ang atensyon mula sa mga tunay na solusyon, at ginagamit sa pulitika ang pagdadalamhati ng mga biktima at kanilang pamilya.
Binigyang-diin ng senador na mali ang pahayag na “pinakakawalan ng batas ang mga batang pumatay.”
Aniya, ang ganitong impormasyon ay naglilihis ng pansin mula sa mga isyu tulad ng pagkapunta ng mga baril sa maling kamay, mahinang pagpapatupad ng batas, at kakulangan ng suporta para sa mga paaralan at komunidad.
Nanawagan din si Pangilinan sa publiko na huwag basta magbahagi ng mga hindi beripikadong post, memes, at inedit na video. Hinikayat niya ang mga mamamayan na kumuha ng impormasyon mula sa mapagkakatiwalaang sources at mahinahong itama ang maling impormasyon upang maprotektahan ang iba laban sa manipulasyon.
Sa huli, nanawagan ang senador sa mga kapwa magulang na maging tagapagbantay hindi lang ng kaligtasan ng kanilang mga anak kundi maging ng katotohanang kanilang paglalakihan at paniniwalaan.