Nais ng House Committee on Basic Education and Culture na magkaroon ng mas malinaw na pamantayan sa bilang ng mga security guard sa mga pampublikong paaralan, batay hindi lamang sa dami ng mga estudyante kundi pati sa bilang ng mga pasukan at labasan ng paaralan.
Sa pagdinig ng komite, iniulat ni Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Roger Masapol na batay sa pinakahuling security audit, nasa 43% na ng mga paaralan ang may security personnel, mula sa 31.7% sa unang pagsusuri.
Kabilang sa bilang na ito ang mga security guard, watchman, volunteer at, sa ilang pagkakataon, mga barangay tanod.
Samantala, ipinaliwanag ng DepEd na sa panukalang staffing arrangement nito, isang security guard ang ilalaan sa maliliit na paaralan na may hanggang 500 estudyante at maging sa medium-sized schools na may 501 hanggang 1,000 mag-aaral.
Dalawang security guard naman ang nakalaan sa malalaking paaralan at apat sa mga extremely large schools, ayon sa kanilang inilahad na panukala.
Gayunman, kinuwestiyon ng mga mambabatas ang batayan ng naturang bilang dahil wala pang pag-aaral ang DepEd tungkol sa ideal na staffing standard.
Binigyang-diin ng komite na kailangang tukuyin muna ang aktuwal na pangangailangan ng mga paaralan partikular sa entry at exit points, sa halip na ibatay lamang ang bilang ng mga guwardiya sa kung ano ang kayang pondohan ng DepEd.