Patuloy na pinalalakas ng Department of Education o DepEd ang seguridad sa mga paaralan kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa ilang educational institutions sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture sa 17 panukalang naglalayong palakasin ang school safety programs at protocols, sinabi ni DepEd Assistant Secretary for Governance and Operations Roger Masapol na lalagda ang ahensya ng memorandum of agreement o MOA kasama ang Department of the Interior and Local Government o DILG para pormal na maipatupad ang pagtatalaga ng mga barangay tanod sa mga paaralan, lalo na sa maliliit na pampublikong paaralan.
Ayon kay Masapol, layunin din ng kasunduan na palakasin ang police visibility sa mga paaralan.
Sa pagtatanong ni Sorsogon Representative Bernadette Escudero, inusisa nito kung paano bibigyan ng kompensasyon o allowance ang mga barangay tanod na madaragdagan ang tungkulin sa pagbabantay sa mga paaralan.
Paliwanag ni Masapol, wala pang pinal na mekanismo para rito at kasalukuyang mga lokal na pamahalaan ang karaniwang sumasagot sa allowance ng mga barangay tanod.
Gayunman, sinabi niyang maaari ring pag-aralan ang paggamit sa bahagi ng P500 milyon pondong inaprubahan ng Kongreso para sa school safety and security, kabilang ang posibleng paglalaan nito sa allowance ng mga barangay tanod sa mga lugar na hindi praktikal ang pagkuha ng mga security guard.
Saklaw din ng naturang pondo ang pagkuha ng security personnel, pagpapahusay ng perimeter fences at pagbili ng mga CCTV camera.