Nakakatawa man pakinggan, pero totoong kailangan ng mga tao ito para makatulong maibsan ang epekto ng Very Strong El Niño.
Ito ang naging depensa ni Office of the Civil Defense (OCD) 11 Regional Director Ednar Dayanghirang hinggil sa pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kailangan nang maghanda ng balde ang mga Pilipino.
Sa isinagawang Kapehan sa Dabaw sa SM City Davao, inilahad ni Dayanghirang na dapat mayroong container gaya ng balde ang bawat Pinoy para mapag-imbakan ng tubig upang magamit kung magkukulang na ang supply ng tubig.
Paliwanag ng opisyal, kaya nabanggit ng Pangulo ang balde dahil hindi lahat ay nakakabili ng tangke o drum para imbakan ng tubig.
Giit nito, gaano man ito ka-nakakatawa sa iilan, mas mainam pa rin na maghanda upang maibsan ang epekto ng sobrang tag-init.